-- Advertisements --

Nilinaw ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na hindi mag-papataw ng parusa sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) ang mga motorista na nagbibigay-daan sa ambulansya, fire truck, at iba pang emergency vehicles.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, may manual review ang CCTV footage upang tiyaking hindi basta-basta naglalabas ng violation ticket, lalo na kung may makatuwirang dahilan gaya ng pag-iwas sa sakuna o pagbigay-daan sa emergency.

Ngunit binigyang-diin din ni Artes na hindi awtomatikong exempted sa traffic violations ang mga emergency vehicle kung mapapatunayang lumabag sa batas nang walang lehitimong dahilan.

Una na rito na bumaba ang naitalang verified violations mula sa 1,112 noong Lunes patungong 952 noong Martes, Mayo 27, kaya’t naniniwala ang MMDA na epektibo ang NCAP.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Manibela Chairman Mar Valbuena ang muling pagpapatupad ng NCAP, na aniya’y walang malinaw na pagbabago o pagpapabuti sa mga traffic facilities. Tugon naman ni Artes, matagal nang umiiral ang sistema at hindi ito minadali.

Inirekomenda rin ng Scam Watch Pilipinas na isama ang proseso ng violation verification at appeal sa eGovPH app ng Department of Information and Communications Technology (DICT) upang maiwasan ang phishing at panloloko gamit ang QR code o pekeng link.

Bilang tugon, sinabi ni Artes na ilulunsad ng MMDA sa loob ng isa hanggang dalawang linggo ang “May Huli Ka” app at text notification system, kung saan maari nang agad malaman ng motorista kung may violation sila, habang pinananatiling ligtas ang kanilang personal na impormasyon.