Hindi umano sang-ayon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa hiling ng contractor ng Common Station ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) ng temporaryong pagsasara ng bahagi ng EDSA and MRT-3 North Avenue Station.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Goddess Hope Libiran, nakausap na ng contractor si Sec. Art Tugade ukol sa planong pagsasara.
Paglilinaw pa ng opisyal, magsasagawa pa ng pormal request ang contractor sa nasabing usapin.
Sa panig naman ng MMDA, hindi nila maaring payagan ang nasabing kahilingan kung gagawin ito ngayong buwan dahil sa panahon ng kapaskuhan.
Magkakaroon daw kasi ng malaking epekto ang nasabing pagsasara sa daloy ng trapiko lalo na at niluwagan na ang alert level system ng bansa.
Maging ang mga mananakay ng dalawang train station ay nagpaabot na rin ng kanilang hinaing sa nasabing plano.
Ang Common Station ay matatagpuan sa pagitan ng SM North Edsa at Trinoma sa Quezon City na magkokonekta sa apat na rail lines ng Light Rail Transit 1, Metro Rail Transit -3, MRT-7 at Metro Manila Subway.










