TACLOBAN CITY – Patay ang isang lalaki matapos barilin ng riding-in-tandem sa Barangay Lawaan, Laoang, Northern Samar.

Ayon kay P/Supt. Maria Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Police Regional Office-8 kinilala ang biktima na si Jomar Pahimnayan, 34-anyos na miyembro ng RADNET 5, at residente ng Barangay 2 Poblacion, Catubig, Northern Samar.

Ang RADNET 5 ay isang volunteer group at amateur radio communication group.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga kapulisan, minamaneho ng biktima ang kaniyang motorsiklo at hinabol ito ng dalawang mga suspek at pinagbabaril.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima at sinugod pa ito sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Narekober sa insidente ang tatlong empty shells ng caliber 40 pistol at gayundin ang motorsiklong ginamit ng mga suspek dahil iniwan nila ito sa lugar kung saan nangyari ang insidente bago tumakas.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon at operasyon ng mga otoridad upang matukoy ang mga suspek at ang motibo ng mga ito sa ginawang krimen.