Nagpapatuloy pa ngayon ang imbestigasyon ng Bayawan City Police station upang malaman kung ano ang motibo at matukoy ang mga suspek sa pamamaril kahapon, Hunyo 28, sa Bayawan City Negros Oriental na ikinasawi ng isang miyembro ng lgbt community.
Kinilala ang biktima na si Junard Barrios, 38 anyos.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Col Stephen Amamag-id, officer-n-charge ng Bayawan City Police station, sinabi nito na sa kasalukuyan ay wala pa silang pangalan sa dalawang riding-in-tandem suspek.
Batay sa kanilang imbestigasyon, nangyari ang pamamaril nang pauwi na sana ang biktima pagkatapos ang isang event kung saan naghost ito ng isang kasalan.
Inaabangan pa ng mga suspek si Barrios at isa sa mga ito ang lumapit at bumaril sa kanya.
Nagtamo ito ng tama sa noo at dibdib dahilan sa kanyang agarang pagkamatay.
Narekober naman sa crime scene ang isang basyo ng .45 caliber pistol.
Sinabi pa ni Amamag-id na may iniimbestigahan na sila ngayon na nakaaway umano ng biktima ilang araw bago nangyari ang krimen ngunit tumanggi muna itong pangalanan dahil sa naagpapatuloy na imbestigasyon.
Makikita pa sa mga social media post nito na may balak ang biktimang tumakbo ngayong darating na barangay election at tila may mga pinatamaan sa kanyang live videos, gayunpaman, sinabi ni Amamag-id na sa impormasyon na binigay ng ina nito ay wala namang nabanggit ang kanyang anak.
Humingi naman ito ng tulong sa publiko para malutas ang krimen at para makamit na rin ang hustisya.