CAGAYAN DE ORO CITY – Balik kulungan ang isang miyembro ng kilalang Sangcopan Drug Syndicate sa Misamis Oriental matapos maaresto sa drug buy bust operation sa Cagayan de Oro City.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Dafy “Jamel” Sangcopan, 41, residente ng Brgy. Carmen.
Ayon kay police Capt. Teodoro Panganiban De Oro ng Police Station 9, isang buwan nang nasa ilalim ng kanilang monitoring ang naaresto na nakalaya sa huli nitong kaso dahil sa plea bargaining sa korte.
Batay sa ulat, modus ng naarestong Sangcopan ang pagbebenta ng iligal na droga sa Cogon Market sa pamamagitan ng pagsingit sa casing ng cellphone.
Nakuha mula rito ang 5-gramo ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng P3,000.
Taong 2017 nang unang lumutang ang sindikatong kinabibilangan ng suspek matapos mapatay ang kanilang mastermind sa bayan ng Opol.