-- Advertisements --
Department of Agriculture 1 1

Tiniyak ng Department of Agriculture–Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) na mayroong nakalatag na mitigating measures para masiguro ang sapat na suplay ng isda sa gitna ng nakaambang pagtama ng El Niño phenomenon sa ating bansa.

Kamakailan, itinaas ng Department of Science and Technology (DOST) ang El Nino alert status sa bansa dahil 80% inaasahan na magsisimulang maranasan ang naturang weather phenomenon sa sunod na tatlong buwan simula sa Hunyo hanggang Agosto at maaaring magtagal pa hanggang sa unang quarter ng 2024.

Ayon kay DA-BFAR national director Atty. Demosthenes Escoto, ang naturang forecast ay mayroong positibo at negatibong epekto sa lokal na suplay.

Bagamat paborable para sa mga archipelagic species gaya ng tuna at sardinas ang El Nino dahil sa mas gusto ng mga organismong ito ang mainit na temperatura, maaari namang maging hamon ito para sa land-based aquaculture species gaya ng bangus at tilapia dahil nangangahulugan aniya ang mas mababang antas ng tubig sa pagbawas ng oxygen sa kanilang habitat.

Pinayuhan din ng opisyal ang mga mangingisda para maibsan ang epekto ng El Nino sa kanilang huling isda sa pamamagitan ng pagsunod sa aquaculture practices.

Kabilang ang maayos na pag-stock sa bilang ng mga fingerlings sa kanilang lalagyanan upang hindi maubusan ang mga ito ng oxygen para maiwasan ang fish kill.

Samantala, tiniyak naman ng opisyal na nanatiling matatag ang suplay at presyo ng mga isda sa mga merkado.