Inatasan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo S. Brawner Jr. ang hanay ng militar na palawakin ang kanilang pananaw at misyon patungo sa nation-building, at hindi lamang limitahan sa tradisyonal na pakikipagdigma.
Ginawa ng opisyal ang hamon sa harap ng mga militar at sibilyang tauhan sa isinagawang flag-raising ceremony sa Camp Aguinaldo sa Quezon City nitong Lunes, Marso 30, bilang bahagi ng pagninilay-nilay ng bansa sa paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay Brawner, ang diwa ng sakripisyo ng isang sundalo ay magkakaroon lamang ng tunay na halaga kung magreresulta ito sa isang lipunan kung saan namumuhay nang may dignidad ang bawat Pilipino.
Binigyang-diin ng hepe ng militar na ang Semana Santa ay pagkakataon para sa malalim na pagninilay at pagpapatibay sa mas malawak na tungkulin ng sandatahang lakas.
Ipinaalala rin niya sa mga tropa na ang kanilang tungkulin ay nakakabit sa mismong pundasyon ng lipunan, at hinimok silang isabuhay ang mas malalim na kahulugan ng kanilang serbisyo.
















