Umabot sa 55 na kandidata mula sa iba’t ibang parte ng bansa ang opisyal na kalahok sa Miss Universe Philippines 2024.
Ito ay mas mataas ng 30% kumpara sa bilang ng mga kandidata noong nakaraang taon na umabot lamang sa 38.
May mga binago kasi sa patakaran ng Miss U para ngayong taon. Isa na riyan ang pagtanggal ng age limit sa mga sasali. Sa katunayan, 39 years old ang pinakamatandang kandidata ngayong taon.
Nagkaroon din ng Miss U Philippines sa ilang probinsiya na isinagawa ng accredited partners and program ng organisasyon. Ayon kay National Director Shamcey Supsup-Lee, ito raw ay upang mas mabigyan ng pagkakataon ang mga taga-probinsiya na makasali sa beauty pageant.
Matunog nga ang mga pangalan ng mga title holder ng ibang beauty pageant na ngayon ay inaasam naman ang korona ng Miss Universe Philippines. Kabilang na riyan si Miss International 2018 first runner-up Ahtisa Manalo at si Miss Supermodel Worldwide 2022 Alexandra Mae Rosales.
Ang tatanghaling Miss Universe – Philippines ay papalitan ang kasalukuyang title holder na si Michelle Marquez-Dee. Nakatakda pang ianunsyo ng organisasyon ang petsa ng coronation night.