BUTUAN CITY – Handa na ang pambato ng Caraga Region na si June Cyra Pineda mula sa Talacogon, Agusan del Sur, para sa gown competition bukas.

Kaugnay ito sa nagpapatuloy na pre-pageant competitions para sa Miss Philippines Earth 2020.

Ito ang unang virtual edition ng Miss Earth Philippines na nakapagsimula na sa kanilang preliminary competition kung saan sa unang pagkakataon, ang mananalo ay virtual na kokoronahan upang sumunod kay Miss Earth Philippines 2019 Janelle Lazo Tee at magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Earth 2020.

Nitong nakaraang linggo lamang, ang provincial tourism ambassadress ng Agusan del Sur na si Pineda ang nanalo sa talent competition (dancing category).

Nagpatalbugan ang mga contestants sa kani-kanilang skills mula sa kani-kanilang pamamahay.

Ginawa ang kompetisyon via Zoom meeting platform kung saan walong delegates ang nag-perform sa kanilang dance routines mula sa kani-kanilang lokasyon.

Sa nasabing kategorya ay naka-gold si June Cyra Pineda dahil sa kanyang modern dance routine.

Silver naman si Diana Rose Hidalgo ng Allacapan, Cagayan na nag-perform ng tinikling; at naka-bronze si Tsina Jade Chiu mula Iloilo City sa pamamagitan ng kanyang hula dance presentation.