-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY -Naka-kustodiya na sa jail facility ng Cagayan de Oro City Police Office ang vice mayoralty candidate na itinuring na pangunahing akusado pagpa-ambush patay sa isang hospital medical director sa Barangay Nazareth,Cagayan de Oro City.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni COCPO spokesperson Maj Evan Viñas na mismo ang kanilang regional director ng Police Regional Office 10 na si Brig Gen Benjamin Acorda Jr at City Director Col Aaron Mandia ang nagsilbi sa warrant of arrest ng kasong murder laban kay Balingoan incumbent Councilor Richard Gepte habang nasa sa Carmelites Monastery ng Barangay Camaman-an ng lungsod.

Sinabi ni Viñas na nasangkot ang pangalan ni Gepte dahil siya ang itinuro ng tatlong unang arestadong mga akusado na mismong tumira kay Maria Reyna-Xavier University Hospital medical director Dr Raul Winston Adutan Jr noong unang linggo ng Disyembre 2021.

Nag-uugat ang pagsuko ni Gepte dahil na rin sa presyur epekto ng malawakang paghahanap ng tracker teams ng PNP,NBI at Criminal Investigation and Detection Group 10 matapos inilabas ni Regional Trial Court Branch 21 Presiding Judge Gil Bollozos ang warrant of arrest sa nabanggit na kaso.

Sa kasalukuyan,pinaghahanap pa ng mga otoridad ang umano’y nagsilbing ‘middle man’ ng opisyal ang dating CAFGU member na si Reynaldo Tortusa na bahagi pag-ambush kay Andutan.

Sa ngayon,hindi pa nagbigay ng anumang pahayag ang PNP ukol sa kung ano ang motibo sa grupo ni Gepte kung bakit ipinapa-patay ang biktima na kilalang urologist na nakabase nitong lungsod.

Magugunitang nagtamo ng ilang fatal wounds ang biktima mula sa kalibre 45 baril na dahilan ng kanyang agarang pagkasawi noong umaga ng Disyembre 2,2021.