-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pansamantalang ipinasususpinde ng Office of the Civil Defense (OCD)-Cordillera ang operasyon ng small scale mining industry sa rehiyon dahil sa pananalasa ng bagyong Falcon.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Cyr Bagayao, information officer ng OCD regional office, na posibleng gumuho ang lupa sa mga minahan dahil sa patuloy na buhos ng ulan.

Kaugnay nito tiniyak ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na handa ang kanilang hanay na rumesponde sa ano mang tulong na kakailanganin ng mga residente.

Pinag-iingat naman ni Benguet Gov. Melchor Diclas ang mga nakatira malapit sa Kennon Road hinggil din sa posibilidad ng landslide, gayundin ang mga bibiyahe patungong Mountain Province.

Paalala ng gobernador, mabuting lumikas na ng maaga ang mga residenteng may bahay malapit sa hazardous zones.

Sa ngayong suspendido muna ang klase sa lahat ng antas ng paaralan sa kalapit na lalawigan ng Apayao.

Habang pre-school hanggang elementary ng parehong private at public schools ang walang pasok ngayon sa Baguio City.