-- Advertisements --

Umaapela si House Committee on Overseas Workers Affairs vice chairman Jocelyn Tulfo sa lahat ng Regional Wage Boards na taasan ang minimum wages ng mga manggagawa sa labas ng National Capital Region (NCR).

Pahayag ito ni Tulfo matapos na ipatupad ang mandatory repatriation sa mga Pilipinong manggagawa sa ilang lugar sa Gitnang Silangan dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

Ayon kay Tulfo, paraan na rin ito upang mahimok ang mga Pilipino na huwag nang lumabas pa ng Pilipinas para magtrabaho.

Bukod dito, marami rin aniya ang makakaramdam sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa oras na itaas sa P450 ang minimum wage ng mga manggagawa sa labas ng NCR.

“If minimum wages were hiked to P450, that would mean a monthly gross income of about P13,500 which is significantly higher than the Philippine Statistics Authority poverty threshold of P10,481 per month and the Social Weather Stations’ self-rated poverty threshold of P10,000 to P11,000,” ani Tulfo.

Bagama’t inaasahan na nito ang pagkontra mula sa mga employer’s groups, iginiit ng kongresista na panahon na para magkaroon ng inclusive economy.

Sa ngayon, sinabi ni Tulfo na hinahanda na niya ang aniya’y “historic game-changer” na panukalang batas para rito.