Pinahihigpitan sa Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang minimum health standards matapos na pumalo sa mahigit 50,000 ang COVID-19 cases sa bansa.
Partikular na tinukoy ni BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co ang health protocols para sa public transportation, public places, workplaces, office buildings, condominium towers, at congested communities.
Dapat aniya na mas maraming hand washing stations sa mga lugar na ito sapagkat hindi aniya sapat na magpunas lamang ng alcohol.
Lahat ng mga pampublikong palikuran ay dapat din aniyang tiyakin na mayroong sabon at tubig para mapanatili ang kalinisan sa katawan ng mga gumagamit nito.
Iginiit din ni Co na dapat magkaroon ng mas mahigpit na face mask standards sa mga office buildings, condominium towers at workplaces dahil sa enclosed spaces ang mga ito kung saan pahirapan ang physical distancing.
Pero dapat aniya sagot ng mga opisina at employers ang pagbili sa mga gagamiting face masks ng kanilang mga manggagawa.
Kasabay nito ay hinimok ng kongresista ang DTI at mga factories na gumagawa ng face masks na taasan ang kanilang production output para mapunuan ang mataas na demand.
Marapat din aniya na humanap ng paraan ang DTI at DOST para sa mass-produce ng murang materyales para sa proteksyon laban sa virus.