-- Advertisements --

Muling namataan ang dalawang Mindanao bleeding-heart pigeon sa paanan ng Mount Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary sa Davao Oriental.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR-Davao), nakita ang dalawang ibon habang nagsasagawa ng Biodiversity Assessment and Monitoring System (BAMS) noong Hulyo 29.

Bago ang opisyal na dokumentasyon, una nang namataan ng isang biodiversity monitoring intern ang naturang species sa parehong lugar noong Hunyo at Hulyo.

Dito nakita ang isang lalaking Mindanao bleeding-heart pigeon na nagpapakita ng courtship behavior sa isang babaeng ibon, na posibleng indikasyon ng breeding activity sa loob ng sanctuary.

Ayon sa DENR, huling naitala ang presensya ng naturang species sa Mount Hamiguitan noong Agosto 8, 2019.

Ang Mindanao bleeding-heart pigeon ay isang uri ng kalapati na matatagpuan lamang sa Pilipinas.

Matatagpuan ito sa Mindanao, Basilan, Samar, Leyte, Bohol, at Dinagat Islands, at karaniwang naninirahan sa mga kagubatang mababa ang elevation.

Nakalista rin ito bilang Vulnerable sa ilalim ng Updated National List of Threatened Philippine Fauna, na nangangahulugang nanganganib bumaba ang populasyon nito kung magpapatuloy ang mga banta sa kalikasan at ilegal na wildlife trade.

Dahil dito, muling iginiit ng DENR ang kahalagahan ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa illegal wildlife trade.