-- Advertisements --

ILOILO CITY – Itinuturo ng pamilya ng pinaslang na leader ng Bayan Muna at City Coordinator sa Iloilo ang 3rd Infantry Division ng Philippine Army na siyang nasa likod sa naturang krimen.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lean Porquia, anak ng biktima na si Jory Porquia, sinabi nito na noon pa man, mayroon nang lumabas na propaganda na nagsisilbing recruiter ng New People’s Army ang kanyang ama.

Ayon kay Lean, sinadyang patayin ang kanyang ama dahil na rin sa dami ng tama ng baril na tinamo nito.

Wala naman aniya silang naiisip na maaring gumawa nito sa kanyang ama kundi ang militar lamang.

Sa ngayon, nakahandang magsampa ng kasong murder ang pamilya ni Porquia laban sa pumaslang sa kanilang ama.

Nagtamo ng siyam na tama ng bala sa katawan ang biktima na siyang naging dahilan ng kanyang pagkamatay.