Inihayag ni Albay Rep. Joey Salceda na walang dapat ikalito ang mga kritiko ng panukalang sovereign wealth fund dahil ito ay malinaw na isang development fund na kailangang mailista sa Philippine Stock Exchange.
Giit pa ng mambabatas na ang layunin ng Maharlika Investment Fund bill ay maisulong ang socioeconomic development.
Una na kasing binatikos sa isang position paper na inilathala ng economics professors sa University of the Philippines ang Maharlika Investment Fund bill na sinertipikahan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr bilang urgent noong nakalipas na buwan.
Ayon sa mga professor, nilabag umano ng MIF ang principles of economics at finance at nagpapakita ng seryosong banta sa ekonomiya at sa public sector sa kabila ng magandang intensiyon ng proponents ng panukala.
Inilahad din sa naturang position paper ang anim na punto sa MIF kabilang ang umano’y confused goals o nakakalitong layunin nito.
Kaugnay nito, inirekomenda din ng mambabatas na maisama ang Maharlika sa listahan sa local stock exchange kung saan pinayuhan nito ang multilateral banks na mag-engage sa development fund bilang strategic partners.