Muling naghabla ng reklamong qualified theft ang actress-beauty queen na si Michelle Dee laban kay alyas Totoy, ang personal driver ng aktres na si Rhian Ramos.
Ayon sa abogado ng dalawang actress na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, personal na naghain ng reklamo si Dee noong Enero 30, kung saan ibinigay umano ang mga larawan ng pulang ampaw na naglalaman ng mga film material na ninakaw umano ni alyas Totoy.
Kabilang sa isinampang reklamo ni Dee ang dagdag na libel at perjury sa gitna ng mga akusasyon ng driver na binugbog at ikinulong umano siya nina Dee, Ramos at kanilang mga kasabwat.
Umapela naman ang abogado sa publiko na huwag munang husgahan ang kaniyang mga kliyente at huwag paniwalaan ang mga pawang alegasyon lamang, sa halip ay suriin kung totoo ang mga alegasyon.
Iginiit ni Atty. Abraham-Garduque na walang ebidensiyang maipakita si alyas Totoy na susuporta sa kaniyang mga akusasyon at ang mga ebidensiya aniya ay taliwas sa kaniyang mga akusasyon.
Matatandaan, inisyal nang nagsampa ng reklamong qualified theft si Dee noong Enero 19 subalit ito ay ibinasura matapos irekomenda ito ng Office of the City Prosecutor sa Makati na ihain sa regular preliminary investigation proceedings at hindi sa inquest proceedings.















