-- Advertisements --

Abanse na sa serye ang Miami Heat matapos na pahiyain sa Game 3 sa Eastern Conference finals ang Boston Celtics, 109-103.

Sumandal ang Miami sa 25 point lead sa first half hanggang sa mapigilan ang comeback ng Celtics sa huling sandali.

Ang panalo ng Heat ay sa kabila ng dinanas na pamamaga ng tuhod kanilang top scorer at All-Star na si Jimmy Butler sa second quarter hanggang sa hindi na siya nakabalik pa sa second half.

Swerte namang balik na rin sa Miami si Kyle Lowry matapos na hindi nakalaro sa unang dalawang games.

Pinunan naman ni Bam Adebayo ang pagkawala ni Butler nang kumamada ng 31 points, 10 rebounds, 6 assists, at 4 steals.
Si Lowry naman ay may 11 points at six assists.

Sa panig ng Boston inalat si Jayson Tatum dahil sa matinding depensa sa kanya ng Miami.

Nagtapos lamang si Tatum ng 10 points mula sa kanyang 3 for 14 shooting.

Umabot din sa anim na turnovers ang kanyang nasayang.

Si Jaylen Brown naman ang umako sa scoring load nang magbuhos ng 40 points at nine rebound, habang sina Al Horford at Marcus Smart ay may combine na 36 points para sa Celtics.

Ang Game 4 ay gagawin muli sa Boston sa Martes.