Nasa kamay na raw ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon at paghahain ng kaso laban sa isang American national na nagtangkang magpuslit ng sanggol sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkules.
Ito ang pahayag ng general manager ng Manila International Airport Authority (MIAA) na si Ed Monreal matapos bulugain ng 43-anyos na si Jennifer Erin Talbot ang airport officials dahil sa insidente.
Nagbabala naman ang opisyal sa mga magtatangkang sumunod sa ginawa ng dayuhan dahil may karampatang parusa ang naturang paglabag.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, walang kahit anong dokumento maliban sa parental consent ng umano’y magulang ng 6-day old na sanggol ang bitbit ng dayuhan.
Hindi raw ito sapat para mabiyahe ang bata ayon sa MIAA dahil kailangan pa ng liham mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at deklarasyon ng airline company.
Kailangan din umanong bayaran ang 10-percent na presyo ng ticket ng mga batang 3-taong gulang pababa na sasakay ng eroplano.
Mula sa check-in counter at x-ray machine nakalusot si Talbot nang bitbitin ang sanggol, pero nang dumating ito sa final security check ay nakita ang presensya ng bata.
Una ng sinabi Bureau of Immigrations na child trafficking at kidnapping ang posibleng isampang kaso laban kay Talbot. Sa ngayon hawak pa rin ng NBI ang suspek.