Nagtakbuhan ang mga turista matapos biglang magbuga ng makapal na usok at abo ang Mount Etna sa Italy. Ang eksena agad na naging viral online sa social media.
Makikita sa video na ibinahagi ni @aurelienpouzin sa social media platform na X (dating Twitter) ang daan-daang turista sa gilid ng bulkan habang isang dambuhalang mala ulap na abo ang bumalot sa kalangitan. Habang ang ilan ay nanatiling nakatayo upang saksihan ang pambihirang tanawin, marami ang nagsimulang tumakbo pababa ng bundok.
Maririnig din sa video ang ugong ng pagputok habang libu-libong toneladang bato at abo ang ibinuga ng bulkan.
Nabatid na ang Mount Etna ay isang aktibong bulkan sa silangang bahagi ng Sicily na taon-taon ay dinarayo ng tinatayang nasa 1.5 milyong turista.
Sa kabila ng panganib, maraming bumibisita upang masilayan lang ang kagandahan ng bundok.
Ayon sa mga eksperto, ang naganap ay isang Strombolian eruption —isang uri ng pagputok na maikli ngunit malakas, at naglalabas ng mga “fire fountain” o bugso ng apoy, abo, at malalaking tipak ng bato.
Samantala ayon sa local media umabot ang ashfall nito sa lugar ng Piano Vetore at may mga naitala ring malilit na pag-daloy ng lava patungong Valle del Bove.
Batay sa National Institute of Geophysics and Volcanology (INGV) ng Italy, inaasahang kakalat pa ashfall nito patungong kanluran-hilagang-kanluran ng bansa. Mataas din umano ang kasalukuyang seismic activity ng bulkan.