KALIBO, Aklan – Nananatiling ligtas ang Isla ng Boracay sa kabila ng natagpuang bangkay kamakailan ng dalawang bakasyunista sa loob ng hotel room sa Barangay Balabag.
Ayon kay Lt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station, doble kayod ngayon ang kapulisan upang mapanatili ang seguridad ng isla dahil sa pagbuhos ng mga turista.
Marso 21 nang matagpuang nakahandusay sa sahig ang bangkay ng isang babaing Australian national at kasamang Pinoy matapos bigong makapag-check-out.
Hindi pa mabatid ang sanhi ng kanilang pagkamatay. Patuloy pang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamilya ng Australian national sa isasagawang medico-legal examinations.
Nagtataka ang mga pulis dahil sa isang CCTV footage na kuha noong Marso 19, maayos namang pumasok ang dalawa sa kanilang kwarto.
Kompleto at maayos rin ang gamit ng mga ito kasama ang kanilang laptop, cellphones, alahas at iba pa.
Unti-unti nang bumabangon ang industriya ng turismo sa isla mula sa epekto ng pandemya, kung saan, niluwagan ang mga ipinapatupad na travel rectrictions.