DAVAO CITY – Pinayuhan ngayon ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio ang mga residente na naninirahan sa mga lugar na delikado sa mga pagbaha at landslide na kailangan manatiling alerto sa posibleng epekto ng Bagyong Ambo sa ilang parte ng Mindanao.
Ayon kay Mayor Inday, kailangan na maghanda ang mga residente sa pre-emptive evacuation lalo na ang mga naninirahan sa mga delikadong lugar.
Una nang sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na maaaring makaranas ng mga pag-ulan ang ilang bahagi ng Mindanao ngayong araw lalo na ang rehiyon ng Caraga, Davao, at Soccsksargen.
Samantalang sinuspende naman ng alkalde ang pasok ng mga government offices simula kahapon hanggang mamayang alas onse ng gabi maliban lamang sa mga opisina na may kaugnayan sa disaster, social service, at emergency.
Pinayuhan rin nito ang mga pribadong establisyemento at opisina na kung maaari isuspende muna ngayong araw ang kanilang operasyon.