-- Advertisements --

Posibleng “imported” o galing pa sa ibang bansa ang mga surot na namemeste ngayon sa Ninoy Aquino International Airport.

Ito ang inihayag ng isang Pest Control Service kasunod ng mga reklamo ng ilang pasaherong kinagat ng surot sa ilang mga upuan sa NAIA Terminal 3.

Batay kasi sa isinagawang deep disinfection ng mga kinauukulan sa mga upuan na sinasabing napeste ng mga surot, ‘di hamak na mas malalaki ang mga nakitang surot dito kumpara sa mga karaniwang surot na nakikita rito sa Pilipinas.

Ang mga ito anila ay posibleng nanggaling sa mga bagahe o mga gamit na dala ng mga pasahero galing sa ibang bansa na pumapasok sa naturang terminal.

Ayon naman kay Manila International Airport Authoroty General Manager Eric Ines, quarterly nagsasagawa ng deep disinfection ang naturang paliparan na tumatagal pa ng hanggang tatlong araw kada batch, at idagdag pa ang daily disinfection routine na kanilang ginagawa sa mga upuan nito.

Kung kaya’t nakakapagtaka aniya na mayroong surot sa mga upuan nito lalo na’t gawa ito sa bakal, maliban na lamang kung ang naturang mga surot ay nadala lamang mula sa ibang lugar.

Samantala, sa ngayon ay patuloy pa rin hinihintay ng NAIA management ang magiging rekomendasyon hinggil sa pagsasagawa ng disinfection procedures para sa pest control.

Habang pinaplano na rin aniya ng pamunuan nito na magdagdag pa ng mga bagong gang chairs sa naturang paliparan.

Kasabay nito ay muli itong humingi ng dispensa sa mga apektadong pasahero kaalinsabay ng pagtiyak na handa silang sagutan ang mga medical expenses ng mga biktimang pasahero. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)