Maaari namang bawiin ng mga rehistradong botante ang kanilang lagda para sa petisyon na nagsusulong sa pag-amyenda sa Saligang Batas sa local Comelec offices ayon sa Commission on Elections.
Ayon naman kay Comelec chairman George Garcia, hindi kukuwestyunin ang mga nais na mag-withdraw ng kanilang lagda basta’t ito ay boluntaryo at hindi sila pinilit.
Saad pa ng Comelec chair na kahit walang affidavit, magtungo lamang sa local comelec at sabihin lang ang pangalan para mahanap kung talagang lumagda sa signature forms at kung mayroon nga ay papayagan naman itong i-withdraw.
Bagamat sa ngayon ay wala pang natatanggao ang Comelec na napaulat na mga signatories sa naturang petisyon na nag-withdraw.
Samantala maaaring bawiin ng mga botante ang kanilang mga lagda sa petisyon para amyendahan ang Saligang Batas kapag sinimulan na ng poll body ang 60 araw ng verification process sa mga pirma.
Sa kasalukuyan, nakatanggap na ang Comelec ng mga signature forms para sa isinusulong na people’s initiative mula sa kabuuang 1.072 munisipalidad at siyudad base sa datos noong Enero 26 ng kasalukuyang taon, bagay na hindi pa sapat ayon kay Garcia para sa PI.