Inanunsyo ng Department of Public Works and Highways na nailatag na nila ang kanilang mga proyekto upang mapigilan at ma kontra ang mga pagbaha at masolusyunan ang kakulangan sa supply ng tubig.
Ayon kay DPWH Sec. Manuel Bonoan, nakahanay ito sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na bigyan ng pangmatagalang solusyon ang mga pagbaha at mga pamamaraan upang makontrol ito.
Ginawa ng kalihim ang pahayag sa isinagawang budget deliberation ng ahensya sa House Appropriation Committee.
Dito ay sinagot ng opisyal ang mga katanungan ng mga mambabatas ukol sa mga nararanasang matinding pagbaha sa bansa.
Paliwanag ni Bonoan, kabilang sa kanilang nakikitang pangmatagalang solusyon ay ang paglalagay ng mga impounding areas sa mga river basin at water reservoirs.
Sinabi pa nito na sa labing walong major river basin sa Pilipinas at nakalatag na ang kanilang isasagawang mga proyekto para sa flood control.
Batay sa 2024 National Expenditure Program ng DPWH, P215.643 bilyon ang kanilang inilaang pondo upang maisakatuparan ang mga flood control projects nito.
Ang naturang halaga ay mula naman sa kabuuang pondo ng ahensya na aabot sa P882 billion.