Iniulat ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. na kapos ang mga pribadong ospital ng kalahati o 50% ng mga nursing staff nito.
Ito ay matapos na magsipag-resign, at maghanap ng ibang trabaho na may mas magandang pasweldo ang maraming mga nurses sa bansa.
Ayon kay Private Hospitals Association of the Philippines Inc. president Dr. Jose Rene de Grano, ang nararanasang kakulangan na ito sa mga nurses sa bansa ay ang nagiging limitasyon sa kanilang serbisyong inihahatid sa ating mga kababayan sa kabila ng mga kumpletong pasilidad na mayroon sila.
Sa nakalipas kasi na dalawang taon ay posibleng nadagdagan pa ng 10% ang dati nang 40% na nararanasang kakulangan ng mga nurses sa mga private hospital sa bansa.
Dahil dito ay napipilitan na aniya ang ilang mga private hospitals na isara ang ilan sa mga wards nito nang dahil sa kakulangan ng mga nurses.
Samantala, kung maaalala, una nang inamin ni Health Secretary Ted Herbosa na maging ang mga pampublikong mga pagamutan ay nangangailangan din ng dagdag na mga nurses.
Sa kadahilanang nasa 4,500 na mga plantilla items para sa mga nurses ang kasalukuyang bakante sa mahigit 70 ospital ng Department of Health sa buong bansa.
Dahil dito ay pinaplano ngayon ng bagong kalihim na magtatag ng National Nursing Advisory Council na sesentro sa pagtugon sa mga suliranin ng mga Filipino nurses, partikular na sa kanilang mga pangingibang bansa upang makahanap ng mas magandang trabaho na mayroong mas magandang pasweldo.
Bagay na welcome naman para kay PHAPI president Dr. Rene de Grano sa pag-asang lilikha ito ng direktang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng DOH at mga kinauukulang grupo upang mabigyan ng solusyon ang mga problema ng mga nars.