-- Advertisements --

Hindi na makakaboto ang lahat ng mga mayroong Coronavirus disease 2019 (COVID-19) partikular ang mga nasa isolation o quarantine facilities.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia, hindi raw kasi papayag ng mga local government units (LGUs) na palabasin ang mga positibo sa naturang virus at hindi nila hahayaan ang mga botanteng labagin ang batas na itinakda ng pamahalaan.

Sa ilalim daw kasi ng Republic Act No. 11332 at ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases guidelines at resolutions, dapat umanong mag-isolate ang mga COVID-positive patients.

Hindi raw dapat lumabas sa isolation facilities ang mga positibo sa virus.

Dagdag ni Garcia na hindi naman maihahatid ng komisyon ang mga balota sa mga isolation facilities ng mga positibo sa virus.

Una rito, sinabi ni Garcia na kung para sa kanila ay nais nilang makaboto ang lahat ng botante ngayong pandemic.

Inirerespeto naman ng Comelec ang IATF guidelines at resolution maging ng direktiba ng Department of Health (DoH).

Sinabi ng DoH na hindi naman nila kayang pigilan ang mga botante pero pinaalalahanan ang mga voters na kailangan nilang sundin ang quarantine guidelines.