BUTUAN CITY – Nananatiling kalmado ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Iraq sa kabila ng ginawang retaliation attack ng Iran sa military base ng Estados Unidos doon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan kay Bombo international correspondent Ruby Los Baños, sinabi nitong kahit na malayo ang lokasyon niya sa pinunterya ng bomba ay ramdam na ramdam nila ang pagyanig ng lupa.
Sa ngayon, walang humpay aniyang nananawagan ang embahada ng Pilipinas sa Iraq para sa mga OFWs na apektado ng lumalalang tensyon doon at para na rin hilingin sa mga ito ang agarang paglikas bago pa man tuluyang maipit sa kaguluhan doon.
Gayunman, sinabi ni Los Baños na sa ngayon ay nananatiling normal ang buhay at trabaho ng mga Pilipino sa nasabing bansa.
Si Los Baños ay 20 taon nang nagtatrabaho sa Iraq at minsan na niyang naranasan ang ganoong mga sitwasyon.