BOMBO DAGUPAN- Pinapangambahan na ng mga Pilipino sa Israel ang kalagayan ng mga kapwa-Pilipinong hindi pa naililigtas ng militar at ng embahada.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Isias Buana, Bombo International News Correspondent sa Israel, hindi pa kumpirmado ang kalagayan ng mga Pilipinong nawawala pa din at ikinalulungkot naman nila ang nakumpirmang nasawing taga-Pangasinan kasama ang amo nito.
Patuloy pa din aniya ang paghahanap ng Embahada sa mga Pilipinong apektado sa gyera at dinadala naman agad sa ligtas na lugar ang mga nahahanap.
Binisita naman ng embahada ang kalagayan ng mga Pilipinong nailigtas ng mga sundalo sa parteng norte dahil marami aniya ang mg anagtatrabaho dun dahil sa tinatawag nilang Government to Government.
Samantala, nagmistulang ghost town ang Tel Aviv matapos magpaulan muli ng rocket ang Hamas.
Sa kasalukuyan, marami pa rin ang natatakot sa mga nakapasok na militante ngunit aniya, malayo naman ito sa Gaza kaya naman kahit papaano ay ligtas pa rin at nananatiling tahimik ang lugar.
Dagdag pa niya na, protektado ng Iron Dome ang Tel Aviv sapagkat pinapasabog nito agad ang makikitang rocket bago pa pumasok sa lugar.
Pinapaalalahan lamang sila na magtago sa mga ligtas na lugar upang hindi aniya mabagsakan ng mga labi ng napasabog na rocket.
Saad pa niya, mayroon din bomb shelter ang bawat establishimento na siyang nagpapanataling ligtas sa mga taong naroroon. Magbibigay din aniya ang embahada ng bomb shelters para sa mga Pilipino.