Nakatakdang iprisinta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa European Union (EU) ang mga hawak nilang ebidensya para tuluyan nang matigil ang pagbibigay nito ng suporta sa mga grupong nagpapanggap na Non Government Organizations (NGOs) na “front” ng Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Nitong Lunes, bulto-bultong mga subersibong dokumento ang ipinakita ni AFP Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations BGen. Antonio Parlade Jr. laban sa mga nasabing grupo, partikular na ang grupong Karapatan.
Ilan sa mga ito ayon kay Parlade ay pirmado pa raw mismo ni CPP-NPA at NDF Founding Chairman Jose Ma. Sison.
Ipinakita din ni Parlade ang mga aklat na inimprenta ng IBON Foundation na naglalaman ng mga radical na impormasyon para sana sa mga Paaralang Salugpungan na tahanan ng mga mag-aaral na Lumad.
Ani Parlade, nakasaad sa mga naturang aklat kung paano aniya mag-aklas sa Pamahalaan at itinuturo roon sa mga kabataan kung paano magalit sa gobyerno.
Sa impormasyong nakuha ni Parlade, aabot sa humigit-kumulang P1-bilyon ang natatanggap na pondo ng mga nasabing NGO mula sa Belgium at EU na posibleng nagagamit ng mga komunista.