Plano ngayon ng pamunuan ng Manila Zoo na i-waive muna ang entrance fees sa naturang parke sa susunod na taon.
Ayon sa pamunuan ng Manila Zoo, plano nilang huwag munang maningil sa buong buwan ng Enero.
Nakatakdang buksan ang Manila Zoo sa susunod na buwan at mayroong entrance fee na P200 para sa mga hindi taga Manila at P100 naman para sa mga residente ng Manila City.
Sa Disyembre 30, magbubukas na ang Manila Zoo para sa preview pero exclusive lamang ito sa construction workers na tumulong para i-rehabilitate ang isa sa mga pinakamatandang zoo sa Southeast Asia.
Aalamin din ng local government ang maximum carrying capacity ng zoo para sa health safety protocols nang sa gayon ay maiwasan ang posibleng pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kung maalala, naglaan ang Manila City government ng P1.8 billion para sa rehabilitasyon ng zoo para mas maging “child-friendly” at maging moderno na rin.
Kabilang sa mga na-improve ang mas malawak na kulungan ng mga hayop, butterfly garden at ang sewage treatment plant ng naturang zoo.
Noong 2019 ang ipinag-utos ng national government ang temporary closure ng Manila Zoo matapos makitaan ng waste water mula sa zoo at dumadaloy ito patungong Manila Bay.
Ang 5.5-hectare zoo na matatagpuan sa Malate sa Maynila ay binuksan noong Hulyo 25, 1959.