-- Advertisements --
cropped jeep 1

Iniulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ba tanging nasa 31% lamang ng eligible public utility vehicles (PUVs) ang naglabas ng fare matrix ilang linggo matapos ipatupad ng pamahalaan ang dagdag na pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay LTFRB executive director Robert Peig, tanging nasa 72,500 mula sa 256,000 PUVs sa buong bansa ang nakakuha ng fare matrix na requirement sa isang driver o operator para makapaningil ng dagdag na pamasahe sa mga pasahero.

Paliwanag niya, mayroong iba’t ibang dahilan daw kasi ang mga operator kung bakit hindi sila nakakuha ng fare matrix.

Ilan sa mga ito ay yung mga hindi na nakapagparehistro pa ng kanilang mga sasakyan matapos na abutan ng transport shutdown noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Samantala, sa kabilang banda naman ay nilinaw naman ng LTFRB na waived na ang penalties ng mga transport operators na hindi nakapagparehistro ng kanilang sasakyan sa ahensya upang makakuha na ang mga ito ng fare matrix.

Bukod dito ay pinag-iisipan din aniya ng LTFRB na pansamantala munang tanggalin ang Php520 na filing fee ngayon upang mas maraming mga operator naman ang makakuha ng fare guide na sinasabing kailangan naman aniya ng mga pasahero.