Gagamitin na ulit bilang quarantine facilities ang ilang school buildings sa Pilipinas sa harap nang patuloy na pagsipa nang bilang ng mga bagong COVID-19 infections sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pumayag na ulit ang Department of Education na bukasn para maging quarantine facilities ang mga eskuwelahan sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Magugunita na noong nakaraang taon isinailalim sa blended learning system ang mga pasok ng mga estudyante dahil sa banta ng COVID-19.
Sa ilalim ng naturang sistema, matatanggap ng mga estudyante ang kanilang mga aralin sa pamamagitan ng printed o offline modules, online learning at television o radio-based instruction.
Magugunitang isinusulong ng DepEd ang resumption ng limited face-to-face classes sa mga nakalipas na buwan para sa mga lugar na maituturing namang low risk sa COVID-19 transmission subalit hindi ito kinatigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Duterte na maaring malagay sa peligro ang buhay ng mga estudyante sa oras na payagan silang makabalik na sa mga paaralan.
Samantala, para naman ma-decongest ang mga ospital ngayon na punong-puno na ng COVID-19 admission, sinabi ng DOH na magdagdag sila ng 257 beds para sa isolation sa iba’t ibang lugar.
Mamamahagi rin sila ng mga tents sa ilang piling ospital para ma-augment ang kanilang kapasidad sa COVID-19 patients.