Maaaring maharap sa legal issues ang mga opisyla ng Colegio de San Lazaro matapos ang permanenteng pagsasara nito ayon sa Quezon city legal department.
Ayon kay QC legal department Atty. Orlando Casimiro, umaabot sa 717 estudyante mula sa nursery hanggang Grade 12 at 625 college students naman ang apektado matapos ianunsiyo ng paaralan ang pagsasara nito noong August 15 dahil sa problemang pinansyal at mababang turnout ng enrollment sa nakalipas na mga taon dahil sa epekto ng covid-19 pandemic.
Sa naturang bilang ng mga college students na apektado, nasa 172 dito ang nakatakdang magtapos ngayong taon.
Giniit ni Casimiro na maliban sa unfair ito ay unusual aniya na itinaon pa ang pag-aanunsiyo ng pagsasara ng eskwelahan gayong ilang araw na lamang bago ang unang araw ng pagsisimula ng klase para sa school year 2022-2023 sa Lunes, August 22.
Sa panig naman ng DepEd, sinabi ng tagapagsalita ng kagawaran na si Atty. Michael Poa na kanilang iimbestigahan kung ano talaga ang dahilan ng biglaang anunsiyo ng CDSL sa kanilang permanent closure.
Pag-aaralan din anila kung anong sanctions ang ipapataw ng ahensiya laban sa CDSL gaya ng suspension ng kanilang lisensiya at recognition subalit hindi na aniya ito magiging applicable dahil nag-anunsiyo na ng pagsasara ang nasabing eskwelahan.
-- Advertisements --