CAUAYAN CITY – Dumating ang ilang opisyal mula sa Estados Unidos sa pangunguna ni US Secretary of State Anthony Blinken para personal na makiramay sa pagbaril at pagpatay kay dating Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Isinasagawa na ang public viewing para magkaroon ng pagkakataon ang mga mamamayan na masilayan si Abe sa huling pagkakataon bago siya ihatid sa huling himlayan.
Iniulat ni Bombo international news correspondent Myles Beltran na pinakapaborito ng mga Pilipino si Abe sa mga naging punong ministro ng Japan dahil sa pagiging cool at magandang pamumuno.
Noong panahon ng pandemya ay naging masigasig si Abe na panatilihin ang masigla na ekonomiya ng Japan sa kabila ng pagtigil sa trabaho ng maraming sektor.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno ay nagbigay ang pamahalaang Japan ng malaking ayuda na 100,000 yen o P45,000 sa bawat miyembro ng pamilya para matulungan silang makaagapay noong panahon ng pandemya.
Ipinasara niya ang mga bar ngunit nagbigay ng buwanag suporta sa mga apektadong manggagawa.
Ayon kay Beltran, mahigpit ngayon ang ibinibigay na seguridad ng mga pulis sa Japan lalo na sa mga opisyal ng pamahalaan.