Pinaplano ng grupo ng provincial bus operators na maghain ng petisyon para taasan ang singil sa pamasahe kasunod ng mga serye ng toll hike sa expressway at oil price hike.
Ayon sa Executive Director ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines na si Alex Yague, ang singil sa toll fee ay tumaas ng 10% sa mga ruta papasok sa National Capital Region mula sa mga probinisya gayundin ang ilang interregional at interprovincial routes subalit ang pangunahing nagagastos sa operasyon ay para sa produktong petrolyo na katumbas ng 10 hanggang 50% ng operating cost.
Kapag aniya paumalo pa sa mahigit P70 ang kada litro ng diesel na kalimitang ginagamit ng mga pampublikong sasakyan ay magbubunsod aniya ito ng petisyon para sa taas pasahe dahil ang lahat ng mga bus na nagooperate sa buong bansa ay maapektuhan.
Noong Setyembre ng nakalipas na taon nang huling aprubahan ng LTFRB ang taas pasahe para sa mga provincial buses gayundin sa iba pang pampublikong sasakyan.