-- Advertisements --

Pinabibigyan ng military honors ng isang kongresista ang mga OFWs na pumanaw dahil sa COVID-19.

Sa kanyang inihaing House Resolution No. 1027, sinabi ni Senior Citizen party-list Rep. Francisco Datol Jr., iginiit nito na itinuturing bilang modern-day heroes ang mga OFWs dahil sa kanilang sakripisyo at malaking ambag sa ekonomiya ng bansa.

Base sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA), umaabot na sa 8,679 OFWs ang nadapuan ng COVID-19 sa ibang bansa, at sa naturang bilang 577 dito ang nasawi bunsod ng komplikasyon na dulot ng nakakamatay na virus.

Iginiit ni Datol na pasok ang mga OFWs sa itinatadhana ng Flag and Heraldic Code of the Philippines (Republic Act  8491) dahil sa ipinamalas ng mga ito na natatanging serbisyo sa bansa.

“It is the constitutional and moral duty of Congress to ensure that our OFWs get the proper recognition that they rightfully deserve for their distinguished service and sacrifices for our nation,” ani Datol.

Bukod sa military honors, iminumungkahi rin ng kongresista na sagutin ng pamahalaan ang pagpapalibing sa mga OFWs na pumanaw dahil sa COVID-19.