-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nakaantabay na ang mga Pinoy sa gaganaping meet and greet ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanila sa araw ng Biyernes.

Kabilang ito sa aktibidad ng Pangulo sa Davos, Switzerland maliban sa kaniyang pagdalo sa World Economic Forum.

Ayon kay Bombo International Correspondent Judy Lima na kasalukuyang nagtatrabaho sa nasabing bansa na “excited” na ang mga ito na makipagkita sa Presidente dahil binigyan sila ng panahon na makamusta ang kanilang kalagayan kung saan, nagpapatunay lamang ito na binibigyan sila ng halaga ng bagong administrasyon.

Sakali umanong mabigyan siya ng pagkakataon na makadaupang palad si Pangulong Marcos ay ipaparating niya ang isa sa mga concern ng overseas Filipino workers na magkaroon ng direktang pag-apply ng trabaho mula sa Pilipinas papuntang Switzerland.

Sa ganitong paraan aniya ay hindi mahirapan ang may mga nais makipagsapalaran gaya sa bansang Germany na direktang nagha-hire ng manggagawa mula sa Pilipinas.

Sa kasalukuyan aniya may humigit kumulang sa isang libong registered OFW’s ang mayroon sa Switzerland.