Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na hindi kailangan ng isang negosyo na ihinto ang kanyang buong operasyon sa oras na may magpositibo sa COVID-19 sa mga manggagawa nito.
Ayon kay Trade Sec. Ramon Lopez, kapag magpositibo sa virus ang isang empleyado, kailangan lamang na i-disinfect kaagad ang area kung saan ito nakapuwesto, habang ang mga naka-direct contact nito sa kanyang mga ka-trabaho ay kailangan namang sumailaim sa quarantine.
Muling binigyan diin naman ni Lopez na tanging mga empleyado na nakakaranas ng sintomas ng COVID-19 o may exposure sa COVID-19 patients ang kailangan na sumailalim sa tests.
Nangangahulugan lamang aniya ito na hindi kailangan na lahat ng mga empleyado ang dapat sumailalim sa COVID-19 tests bago bumalik sa kanilang trabaho.