Sinimulan na ngayong araw ang pamamahagi ng nakumpiskang smuggled rice sa Zamboanga city.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng 1,500 sako ng premium quality rice sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kaniyang pagbisita sa warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Barangay San Roque, Zamboanga city ngayong araw.
Ang ipinapamahaging bigas ay kabilang sa 42,180 sako ng ipinuslit na bigas na nagkakahalaga ng P42 million na nasamsam ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga city noong Setyembre 15 ng kasalukuyang taon.
Ititurn-over ang nasabat na smuggled rice sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi nito sa mga benepisyaryo sa rehiyon.
Ang naturang hakbang ay alinsunod sa marching orders ni PBBM na habulin ang mga hoarder o nagtatago ng bigas at iligal na nagdadala ng bigas dito sa bansa.
Sa naturang programa din, pinangunahan ni PBBM ang pamamahagi ng iba’t ibang tulong mula sa Department of Agriculture, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at Department of Labor and Employment para sa mga benepisyaryong magsasaka, mangingisda at manggagawa.