-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nanawagan ng pagkakaisa si City Mayor elect Atty Jose Paolo M. Evangelista sa lahat ng Kidapawenyo matapos ang kanyang oath taking at inaugural speech bilang bagong alkalde ng lungsod ng Kidapawan.

Makakamit lamang ng mga bagong opisyal ang kanilang adhikain sa tulong na rin ng pakikiisa ng mga Kidapawenyo sa pagsisimula ng kanilang termino pagsapit ng tanghali ng June 30, 2022, ayon kay Mayor Atty Evangelista.

Tiniyak ng bagong halal na alkalde na maisasakatuparan ang kanyang mga plataporma de gobyerno at makakamit sa tulong na rin ng lahat ng mamamayan.

Magiging mayor at maninilbihan siya sa lahat ng Kidapawenyo kahit pa sa mga supporters ng kanyang mga naging katunggali sa posisyon, dagdag pa ni Mayor Atty Evangelista.

Pinasalamatan niya ang kanyang ama na si outgoing City Mayor at ngayon ay Cotabato 2nd District Senior Board Member Joseph Evangelista, kanyang pamilya, at lahat ng sumuporta sa kanyang kandidatura sa nakaraang May 9, 2022 national and local elections.

Nanumpa rin bilang mga bagong halal na opisyal sa pamamagitan ni RTC 23 Judge Arvin Sadiri Balagot sina Mayor Atty Evangelista, City Vice Mayor Melvin Lamata, Jr. at ang 10 mga bagong konsehal ng Sangguniang Panlungsod sa seremonyang ginawa sa city gymnasium.

Maliban kina Mayor Evangelista at Vice Mayor Lamata, nanumpa din kasama ng kanilang mga pamilya at mahal sa buhay sina City Councilors Rosheil Gantuangco – Zoreta, Airene Claire Pagal, Atty. Dina Espina- Chua, Jason Roy Sibug, Michael Ablang, Judith Galbiso-Navarra, Aljo Cris Dizon, Galen Rey Lonzaga, Carlo Agamon at Atty. Francis Palmones, Jr.

Pinangunahan naman ni City Local government Operations Officer Julia Judith Jeveso ang Signing and Ceremonial Turn-over of Records and Documents mula sa City Mayor’s at City Vice Mayor’s Office patungo sa mga bagong halal na opisyal ng lungsod.