Bahagya umanong tumaas ang mga krimen na naitala sa buong bansa noong buwan ng Marso.
Ayon sa PNP, partikular na rito ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
Base sa data mula sa Directorate for Investigation and Detective Management and Crime Research Analysis Center (CRAC) ng PNP, ang bilang ng mga naitalang krimen ay tumaas ng 29,798 noong March 22.
Katumbas ito ng 5.61 percent increase mula sa dating 28,214 ng parehong period noong buwan ng Pebrero.
Kung maalala nong unang araw ng buwan ng Marso ay karamihan sa mga lugar sa bansa kabilang na ang National Capital Region (NCR) ay inilagay na sa pinakamamabang alert level system ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases dahil sa gumandang sitwasyon ng pandemic.
Sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang pagtaas ng mga krimen ay dahil na rin sa paglabas ng mas maraming tao sa kanilang mga bahay.
Kasamang tumaas ang index crimes gaya ng pagnanakaw.
Sa index crime volume tumaas ito ng 4.22 percent o mula sa 2,726 noong buwan ng Pebrero ay naging 2,841 ito noong nakaraang buwan.
Mayroong kabuuang 995 na kaso ng pagnanakaw ang naitala noong buwan ng Marso o 8.03 percent na mas mataas sa naitalang 921 noong Pebrero.
Mayroon naman daw 328 na napaulat na kaso ng pagpatay noong Marso na tummas ng 4.09 percent kumpara sa 292 noong Pebrero.
Tumaas din ng 14.88 percent ang kaso ng physical injury na mula sa dating 336 na kaso noong buwan ng Pebrero ay naging 386 na kaso ito noong Marso.
Bumaba naman ang kaso ng panggagahasa ng 12.64 percent o mula sa 522 noong Pebrero ay naging 456 ito noong nakaraang buwan.