Sa pagtatapos ng deadline kahapon nang pasahan ng listahan ng pangalan ng mga tricycle driver na makakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Fuel Subsidy Program ng pamahalaan ay ipinahayag ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nasa 44,299 na ang bilang ng mga pangalang kanilang natanggap.
Ito ay sa kabila ng una nang naging pahayag ni DILG spokesman Undersecretary Jonathan Malaya na nasa 1.2 million na mga tricycle driver at operator ang maaaring mapabilang sa mga makakatanggap ng ayuda.
Pag-amin ni Malaya, tatlong rehiyon lamang daw kasi sa buong bansa ang nagsumite ng listahan ng mga pangalan ng mga tricycle drivers sa kanilang kagawaran.
Kabilang sa mga ito ay ang Region 2, Region 9, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Samantala, ang naturang listahan naman ay nakatakda isumite ng DILG sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para masimulan na nito ang pamamahahagi ng fuel subsidy para sa mga naturang benepisyaryo.
Magugunita na noong Marso sinimulan ng LTFRB ang pamamahagi ng P6,500 na fuel subsidy sa mahigit 377,000 na mga kwalipikadong PUV drivers at operators bilang tulong na rin sa mga ito na mabawasan ang kanilang mga pasanin na dulot ng sunud-sunod na taas-presyo sa produktong petrolyo.