
Nagsimula nang magsipagbalikan sa kani-kanilang mga tahanan ang mga kababayan nating naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Henry.
Kasunod ito ng paglabas ng nasabing bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kahapon, August 4, 2022.
Sa datos na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa ngayon ay nasa 110 na mga pamilya o may katumbas na 321 na mga inbidwal na lamang ang apektado ng bagyo mula yan sa mahigit 30,000 na bilang na una nang naitala ng kagawaran.
Nabawasan na rin ang bilang ng mga indibidwal na kasalukuyang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center kung saan nasa 60 na pamilya o 149 na mga indibidwal na lamang ang kanilang naitala habang mayroong 11 pamilya naman ang nakikitira sa muna sa kanilang mga pamilya at kamag-anak.
Matatandaan na una rito ay nagpa-abot na ng tulong ang pamahalaan sa mga naapektuhan ng bagyong Henry na may katumbas na halagang Php 7 million.










