-- Advertisements --

Makakatanggap ang mga may-ari ng bahay na bahagyang nasira matapos nag pananalasa ng Bagyong Carina at Habagat ng disaster assistance mula sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).

Ayon kay DHSUD Undersecretary Randy Escolango, iniutos ni Secretary Jose Rizalino Acuzar na isama ang mga bahay na bahagyang nasira sa ilalim ng Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP).

Sa ilalim ng programa, inisyal na nagbibigay ng one time emergency shelter support na P15,000 para sa mga sambahayan na totally damaged ang kabahayan.

Pero kapag naaprubahan na ang guidelines, masasaklaw na dito ang mga tinamaang kabahayan ng ating mga kababayan.

Upang maging kwalipikado, ang benepisyaryo ay dapat na head ng isang household at nakarehistro sa kani-kanilang local government unit.

Dapat ding tiyakin ng mga benepisyaryo na hindi sila tumatanggap ng iba pang shelter assistance mula sa mga ahensya ng gobyerno o mga non-government organization.

Sa kasalukuyan, nakapagtala ang DHSUD ng hindi bababa sa 15,049 na partially damaged na mga bahay at 130 totally damaged na mga bahay.

Sinabi naman ni USec. Escolango na ang DHSUD ay may natitira pang pondo na P193 milyon sa ilalim ng programa.

Ayon pa sa opisyal naglaan din ang Pag-IBIG Fund ng P3 bilyong pondo para sa calamity loans para sa mga miyembro nito na apektado ng Typhoon Carina at Habagat.