-- Advertisements --
Juan Ponce Enrile

Pinayuhan ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ang mga mambabatas na maging dahan-dahan sa pagsasalita ng anumang bagay ukol sa China at usapin sa West Philippine Sea.

Kasunod ito ng nasabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat i-boycott ang mga produkto mula sa China bilang ganti sa pagbomba ng tubig ng China Coast Guard sa barko ng Philippine Coast Guard.

Sinabi ni Enrile na dapat pag-aralan muna ang anumang hakbang lalo na kung nasa mataas na puwesto ang magbibigay ng mga ganitong pahayag.

Giit nityo, mas malaki ang mawawala sa Pilipinas kapag nag-boycott ng China products dahil mayroong export ang Pilipinas sa China na tiyak ding mawawala.

Maraming Pilipino rin sa China ang maaaring maperwisyo ang kanilang mga trabaho, bukod pa sa napakalaking pagkakautang ng gobyerno sa nasabing bansa.

Payo na lamang ni Enrile, mag-focus ang Pilipinas sa pagpapalakas ng puwersa ng militar at iba pang sangay ng pamahalaan na may direktang papel sa kapakanan ng mga mangingisda sa West Philippine Sea.