Naniniwala si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Sec. Carlito Galvez Jr. na mas malaki ang magiging papel ng mga lokal na pamahalaan sa posibleng Usapang Pangkapayapaan.
Ayon kay Galvez, marami nang peace consultation ang pinagdaanan ng pamahalaan, hindi lamang ang mga negosasyon kasama ang komunistang grupo kungdi maging ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa mga naturang negosasyon aniya ay napatunayang mas malaki ang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan para matukoy ang magandang kinalabasan ng usapang pangkapayapaan.
Ayon pa kay Galvez Jr, sa mga susunod na araw ay magkakaroon pa ng mas malawak na diyalogo kasama ang ibat ibang mga sektor katulad ng akademiya, simbahan, at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay Galvez, ang nais ng pamahalaan ay maging ‘consultative’ ang isasagawang usapang pangkapayapaan, kung magtutuloy ito, kung saan ipapasok nila ang mga inputs ng ibat ibang sektor.
Tiniyak naman ni Galvez na magpapatuloy pa rin ang mga kampanya ng kanyang opisina para maabot ang kapayapaan sa bansa, mula sa ibat ibang mga banta.
Una nang nilinaw ng Department of National Defense(DND) na sa kasalukuyan ay hindi pa opisyal na nagsisimula ang Usapang Pangkapayapaan bagkus ay pawang mga konsultasyon at diyalogo pa lamang ang nangyayari.