Inanunsyo ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na ang mga local government units (LGUs) na ganap na nagpatupad ng electronic Business One-Stop Shop (eBOSS) system, na nag-streamline at nag-o-automate ng mga transaksyon ng gobyerno ay nagtala ng mas mataas na koleksyon ng buwis at kita sa pagitan ng 2021 at 2022.
Ito ay batay sa ulat ng mga LGU sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at ARTA.
Sa isang pahayag, binanggit ng ARTA ang 13 LGU na nagpabuti ng kanilang mga koleksyon at kita matapos na ganap na sumunod sa sistema ng eBOSS.
Ito ay ang Malabon, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City at Valenzuela sa Metro Manila.
Gayundin ang Batangas City, Cagayan de Oro, Lapu-Lapu City at San Roque sa Northern Samar.
Ayon sa ARTA ang kabuuang kita mula sa mga business permit ng mga LGU na nabanggit ay tumaas ng P2 bilyon hanggang P26 bilyon noong 2022 mula sa P24 bilyon noong 2021.