Nakatakdang talakayin ng mga alkalde sa Metro Manila ang posibilidad na pag-regulate sa mga negosyong mataas ang konsumo sa tubig.
Ito ay upang maibsan o mabawasan ang labis pa ring epekto ng krisis sa tubig, lalo na at nakaamba ang matagalang el-nino sa buong bansa.
Ayon kay Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, nauna nang umapela sa kanilang ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS, na kung maaari ay limitahan ang paggamit ng tubig ng mga kumpanyang may mataas na konsumo.
nakatakda na aniya ang pagpupulong ng mga alkalde sa buong Metro Manila at aalamin ang desisyon ng bawat isa ukol dito.
Kasama rin sa kanilang tinitingnan ay ang posibilidad ng regulation sa mga car wash, swimming pools, golf courses, at iba pang mataas ang volume ng tubig na ginagamit para sa maintenance.
Pero paglilinaw ni Zamora, pag-aaralan pa rin naman ng konseho kung magiging akma ang gagawing hakbang para sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga kumpanyang ito.