Nalampasan ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang revenue target para sa unang quarter ng taong 2026 matapos makapagtala ng ₱239.054 bilyong pondo na pumasok sa kaban ng bayan mula Enero hanggang Marso.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, higit ito ng ₱2.994 bilyon o 1.3 porsyento kumpara sa kanilang orihinal na asinta na ₱236.060 bilyon.
Mas mataas din ang nakolekta ngayon ng ₱7.677 bilyon o 3.3 porsyento kung ihahambing sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ito na ang naitalang pinakamataas na first-quarter collection sa kasaysayan ng kawanihan.
Ibinida ng opisyal na ang labis na kita ay direktang resulta ng mga ipinatutupad na reporma, mahigpit na pamamahala, at mas pinaigting na pagpapatupad ng batas sa lahat ng pantalan sa bansa.
Malaking bahagi rin umano ng pumasok na pondo ay nagmula sa matagumpay na public auction ng mga kinumpiskang kargamento at kontrabando, partikular na ang mga smuggled luxury vehicles.
Bukod dito, malaki rin ang iniambag ng pinalakas na post-clearance audit operations ng ahensya upang singilin ang mga kakulangan sa buwis ng mga importer.
Bilang bahagi ng paglilinis sa ahensya, patuloy na ipinatutupad ng BOC ang kanilang Integrity, Accountability, and Modernization Program. Ang hakbang na ito ay naglalayong isulong ang transparency at i-angat ang professionalism sa hanay ng mga kawani upang mapigilan ang katiwalian.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na ang paglampas sa kanilang target ay isang malinaw na patunay na epektibo ang pagsasama ng tapat na sistema, integridad, at modernisasyon upang tuluyang mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na makalikom ng pondo.
















